Naniniwala si Senator Francis Pangilinan na nalagay sa alanganin ang buhay at seguridad ng mga aktres na sina Liza Soberano, Catriona Gray at Angel Locsin matapos silang akusahan na sumusuporta sa makakaliwang grupo.
“Ano ba ‘yan? Nakipagkwentuhan lang si Liza, binantaan na ng kamatayan. Siya na nga ang binastos at binantaan ng rape, tatakutin pa?” ang reaksyon ni Pangilinan sa naging babala ni n reaction to Southern Luzon Command (Solcom) chief Lieutenant General Antonio Parlade Jr. sa mga taga-showbiz na may kaugnayan sa grupong Gabriela.
Hinimok niya ang mga sundalo at pulis na tigilan na ang ‘red tagging’ sa mga nagpapahayag lang naman ng kanilang mga opinyon at saloobin hinggil sa mga iba’t ibang isyu sa lipunan.
“Ayon sa Saligang Batas, ang Armed Forces of the Philippines ang magtatanggol sa taumbayan, hindi maniniil. Protector, not oppressor. These threatening statements are uncalled for and unprofessional and should be called out,” diin ng senador.
Ibinahagi nito na na-‘red tagged’ na rin sila ng kanyang anak na si Frankie nang sagutin nila ang piyansa ng mga inaresto habang nakapila sa pamamahagi ng pagkain at paglabag sa lockdown restrictions sa Quezon City.
Kasabay nito, nanawagan si Pangilinan ng suporta para sa tatlong showbiz personalities gayundin sa mga indibiduwal na hindi natatakot na magpahayag ng saloobin at nag-aalok ng solusyon.
“Hindi krimen ang magpahayag ng opinyon kung paano mapabuti ang Pilipinas,” dagdag pa nito.