Price hike ng Noche Buena goods hinaharang ni Sen. Imee Marcos

Hindi pabor si Senator Imee Marcos sa hirit ng ilang manufacturers na taasan ng isa hanggang tatlong porsiyento ang presyo ng kanilang Noche Buena goods.

Katuwiran ni Marcos dapat manatili ang presyo sa katuwiran na mababa ang exchange rate, may umiiral na price freeze at mababa din aniya ang gastos sa transportasyon ng mga produkto.

“Sa gitna ng pandemya, please, wag na muna magtaas ng presyo ang mga manufacturer dahil hikahos na nga ang mga Pinoy. Dagdag pang pabigat sa kanilang balikat ang pang-araw araw na gastusin. Magpa-paskong tuyo na lang ba ang marami sa ating mga kababayan? ‘Wag naman!,” pakiusap ni Marcos.

Kayat inihirit ng senadora sa Department of Trade and Industry na ibasura ang apila ng mga manufacturer.

Base sa datos ng DTI, mahigit sa 20 brands ng Noche Buena goods ang tataas ang presyo kapag pinagbigyan ang limang manufacturers.

Binanggit ng namumuno sa Senate Committee on Economic Affairs na sa kanyang monitoring tumaas na ang presyo ng karne ng baboy sa mga palengke at supermarkets, mula P295 hanggang P350 kada kilo.

 

 

 

Read more...