Kasabay nito, sinabi ni Villar na halos P4.6 bilyon ang ipamamahagi sa 1.1 milyon magsasaka sa bansa bilang tulong-pinansiyal dahil sa epekto ng pandemiya at mababang halaga ng palay.
Ang pera, ayon sa senadora, ay ang sobrang nasingil ng Bureau of Customs sa rice importation na hanggang noong nakaraang buwan ay umabot na sa P13.6 billion maliban pa sa sumobra noong nakaraang taon.
Nakasaad sa Rice Tariffication Law, ang anumang halaga na hihigit sa P10 bilyon na koleksyon sa buwis sa pag-aangkat ng bigas ay maaring magamit para sa kapakanan o tulong sa mga magsasaka.
Sa inihain niyang Senate Joint Resolution No. 12, sinabi ni Villar ang mabibigyan ng ayuda na mga magsasaka ay ang mga nagsasaka lang ng isang ektarya o mas maliit pa.
Suportado nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sens. Francis Pangilinan, Imee Marcos at Nancy Binay ang resolusyon ni Villar.