Ang Malasakit Center, one-stop shop para sa medical at financial assistance ay pangatlo na sa lalawigan ng Rizal.
Nakatatag ang dalawang iba pa sa Antipolo City Hospital System Annex IV-Mambugan sa Antipolo City at Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.
Pinalalahanan ng senador sa kanyang speech ang mga kawani ng pagamutan na pagsilbihan ng maayos ang kanilang mga pasyente, lalo na ang mga nasa hanay ng mahihirap at vulnerable sectors, tulad ng senior citizens at persons with disabilities, sa pamamagitan ng pagsiguro sa de kalidad na serbisyo na kanilang matatanggap.
Muli ring inulit ni Go ang kanyang pangako na pagsilbihan ang mga Filipino lalo na ang mga magdarahop.
“Iyung slogan ko dati sa kampanya, paninindigan ko po ‘yon. Twenty-four seven, kahit anong kailangan ninyo, sa abot ng aming makakaya, gagawin namin. Bisyo ko po magserbisyo,” pangako ni Go.
“Salamat rin sa inyong tiwala at paniniwala sa ating Pangulo [Rodrigo Duterte]. Huwag kayong mag-alala, hindi kayo bibiguin ni Pangulo. Up to the last day of his term, gagawin niya ang lahat at ako, tutulungan ko po siya sa lahat ng mga hangarin niya para sa ating bansa,” dagdag pa niya, bago igiit ang kahalagahan ng pagkakaroon ng lider na kapwa may disiplina at respetado.
“Iyung pagbabago na ipinangako niya noon sa inyo laban sa kriminalidad, nararamdaman ninyo naman pag maglakad kayo sa kalye […] pati pulis disiplinado dahil alam nila na pag mayroong scalawag sa kasamahan nila ay yayariin ni Pangulo. So, makikita mo pag nasa taas ‘yung disiplina at ‘yung lider, nirerespeto, sunud-sunod na po ‘yan hanggang sa baba,” dagdag ni Go.
Nagpasalamat din ang senador sa mga indibiduwal na sumuporta sa Malasakit Center initiative at tumulong para sa tagumpay na implementasyon nito sa ilalim ng Malasakit Centers Act of 2019 na inakda at inisponsoran niya.
Kabilang sa sumaksi sa pagpapasinaya ay sina
Presidential Assistant for the Visayas Secretary Michael Lloyd Dino, Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Bautista at Undersecretary Aimee Neri, Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica, Philippine Charity Sweepstakes Office – Rizal Branch Manager Francis S. Manalad, Cainta Mayor Johnielle Keith “Kit” Nieto, Vice Mayor Ace B. Servillon, at Dr. Joseph Kenneth “Jet” Nieto, at maraming iba pa.
Pinaalalahanan din ni Go ang publiko na maging mapagmatyag at papanagutin ang kanilang mga pinuno sa pamamagitan ng paglalahad sa mga katiwalian at hindi maayos na pamamahala sa gobyerno.
“Kung mayroon kayong reklamo at nakikitang katiwalian sa gobyerno, i-report ninyo po sa PACC. Magtiwala kayo sa gobyerno. Alam ninyo, hindi tayo aasenso kung hindi kayo magre-report. Eh, paano natin huhulihin ‘yung mga corrupt kung hindi ninyo naman isusumbong sa amin ni Pangulong Duterte? Bukas po ang aming tanggapan diyan,” pagtitiyak ni Go.
Inalala pa ng senador ang kanyang mga karanasan habang nanunungkulan kay nuo’y Davao City mayor Duterte na naging hudyat para buksan niya ang kauna-unahang Malasakit Center sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City noong February 2018.
“Fifteen years ago, ang dami pong lumalapit sa City Hall ng Davao City, may dala pong hospital bill. Lunes palang, hihingi ‘yan ng tulong kay mayor. Martes, pupunta po ‘yan sa PCSO. Miyerkules, pupunta po ‘yan sa DOH at Huwebes, pupunta ‘yan sa PhilHealth, sa DSWD,” panimula niya.
“Ubos ‘yung panahon ng pasyente sa kakapila, ubos ‘yung pamasahe at minsan po, mangungutang pa kung may balanse […] Dumudugo ‘yung puso ko tuwing natatanggihan ‘yung mga pasyente. Kaya noong naging Senador ako, ipinangako ko na gagawin ko itong batas para kahit hindi na po Pangulo si Pangulong Duterte at hindi na po ako Senador, batas na po ito at hindi na po mahihirapan ‘yung mga pasyente natin,” Paliwanag pa niya.
Sa kanyang mensahe sa mga mahihirap, tiwala si Go na kayang itimon ng Pangulo ang bansa ngayong panahon ng krisis.
“Sa mga kababayan ko, kaunting tiis lang po. Alam ko pong hirap na hirap na po kayo sa sitwasyon natin ngayon […] Buti nalang mayroon tayong leader sa panahong ito, siguro talagang sinadya ng Panginoon na mayroon tayong strong leader na papakinggan po ng lahat,” saad niya.
“I join the President sa kanyang ginagawa para sa ating bayan. Wala kaming ibang interes sa gobyernong ito but to serve the Filipino people. Magtulungan lang po tayo, sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo lang po mga kapwa nating Pilipino,” pagtatapos ni Go.