Umaapela si Manila Mayor Isko Moreno sa mga lider ng simbahan na limitahan ang bilang ng mga taong dadalo sa Simbang Gabi.
Ito ay para matiyak na magiging ligtas ang mga mananampalataya laban sa COVID-19.
“Maghanda ng mga pamamaraan na matuloy pa rin ang ating mga pamana katulad ng bilang pagiging mga Katoliko sa darating na Simbang Gabi,” pahayag ni Mayor Isko.
“Ako rin naman nananawagan sa mga mamamayan. I want them also to be responsible enough to understand the gravity of the situation,” dagdag pa ng alkalde.
Sang-ayon naman si Quiapo Church parochial vicar Fr. Douglas Badong sa panawagan ni Mayor Isko at inilahad na handa ang kanilang simbahan na magpatupad ng mas istriktong health protocols para mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayang dadalo sa Simbang Gabi.
“Kung kinakailangang mag-adjust ng simbahan sa mga misa, gagawin ng simbahan ‘yon pero sadyang hindi natin mapipigilan na hindi tayo magdiwang,” pahayag ni Fr. Badong.
Samantala, ipinaalala rin ni Mayor Isko ang kahalagahan ng maagang pagpaplano sa mga aktibidad gaya ng Simbang Gabi.