Patuloy na kumikilos ang Tropical Depression Ofel papalayo ng bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Raymond Ordinario, huling namataan ang bagyo sa layong 340 kilometers West Northwest ng Tanauan City, Batangas o nasa 250 kilometers West ng Subic, Zambales dakong 3:00 ng hapon.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.
Tinatahak ng bagyo ang direksyong West Northwest sa bilis na 25 kilometers per hour.
Posible aniyang humina ang bagyo at maging low pressure area (LPA) na lamang sa susunod na 12 hanggang 24 oras.
Ngunit, asahan pa ring makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkidlat at pagkulog sa Mindoro, Palawan at Kalayaan Group of Islands.
Ani Ordinario, inaasahang sa Huwebes ng gabi, October 15, o Biyernes ng hapon, October 16, nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo.