Poe, natural-born Filipino at nakatugon sa residency requirement-SC

grace poeNatural-born Filipino citizen at nakatugon sa sampung taong residency requirement si Senador Grace Poe.

Ito ang nakasaad sa 47-pahinang desisyon ng Korte Suprema, na nagbaligtad sa desisyon ng Comelec en banc na kanselahin ang kanyang COC sa botong 9-6

Ayon sa SC, sinabi nito na mayroon kasing typical Filipino features si Poe gaya ng flat nasal bridge, straight black hair, almond shaped eyes, oval face at hindi katangkaran.

Ipinunto din ng SC na overwhelming ang ebidensya at naging argumento ni Poe at ng Solicitor General Florin Hilbay na base sa mga datos noong 1965 hanggang 1975 na sa 10 milyong populasyon sa bansa ay 15,000 ang dayuhan habang noong 1960, sa mahigit 900,000 na Pinoy at mahigit 4,000 lamang ang dayuhan.

Sa isyu naman ng residency ayon sa SC, May 24, 2005 pa lamang inabandona na ni Poe ang US domicile nya at umuwi na siya ng Pilipinas.

Patunay na lamang ang pagpapa-enroll ni Poe sa kanyang mga anak para mag-aral sa Pilipinas, pati na ang kanyang tax declaration.

False material representation ayon sa SC o panlilinlang ang naging issue ng Comelec sa kandidatura ni Poe at hindi ang kaniyang kwalipikasyon.

Una nang iginiit ng Comelec na nilinlang umano ni Poe ang taong bayan nang sabihin na isa siyang natural born Filipino citizen gayung hindi pa naman natutukoy ang kanyang tunay na mga magulang.

Panlilinalang din umano ang ginawa ni Poe nang sabihin nitong nanirahan na siya sa bansa noong May 24, 2005 o yung domicile gayung nagpabalik-balik pa ito ng Amerika.

Ayon sa SC, malinaw na nagkaroon ng grave abuse of discretion o pagmamalabis ang Comelec nang kanselahin nito ang kaniyang certificate of candidacy.

Nabatid na si Associte Justice Jose Portugal Perez ang nagponente sa desisyon at sinang-ayunan pa ng walong mahistrado na sina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Associate Justices Presbitero Velasco, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Leonen, Francis Jardeleza, Alfredo Caguioa, at Jose Mendoza.

Hindi naman pumabor sina Associate Justices Arturo Brion, Antonio Carpio, Estela Bernabe, Bienvenido Reyes, Mariano del Castillo at Teresita Leonardo-de Castro.

Read more...