LPA sa bansa, isa nang tropical depression at tatawaging Ofel; Signal no. 1, nakataas sa ilang lalawigan

Lumakas pa ang binabantayan low pressure area (LPA) at isa nang tropical depression.

Sa severe weather bulletin ng PAGASA, naging ganap na tropical depression ang sama ng panahon bandang 2:00, Martes ng hapon (October 13).

Huling namataan ang Tropical Depression “Ofel” sa layong 115 kilometers Silangan Timog-Silangang bahagi ng Guiuan, Eastern Samar dakong 4:00 ng hapon.

Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 55 kilometers per hour.

Kumikilos ang bagyo sa direksyong North Northwest sa bilis na 15 kilometers per hour.

Bunsod nito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
– Sorsogon
– Northern Samar
– Northern portion ng Eastern Samar (Borongan City, San Julian, Sulat, Taft, Can-Avid, Dolores, Maslog, Oras, San Policarpo, Arteche, Jipapad)
– Northern portion ng Samar (Pinabacdao, Villareal, Talalora, Daram, Zumarraga, Calbiga, Hinabangan, Paranas, San Sebastian, Motiong, Jiabong, Catbalogan City, San Jorge, San Jose de Buan, Matuguinao, Tarangnan, Gandara, Pagsanghan, Santa Margarita, Calbayog City, Santo Nino, Almagro, Tagapul-An)

Ayon sa PAGASA, Martes ng gabi hanggang Miyerkules ng umaga, asahang mararanasan ang katamtaman hanggang mabigat na buhos ng ulan sa Catanduanes, Masbate kabilang ang Ticao Island, Albay, Sorsogon, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, at northern portion ng Leyte.

Mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na ulan naman ang iiral sa nalalabing bahagi ng Eastern Visayas at Bicol Region.

Inaasahang magla-landfall ang bagyo sa Eastern Samar-Northern Samar area, Miyerkules ng umaga (October 14).

Sinabi pa ng weather bureau na posibleng umabot sa tropical storm category ang bagyo sa susunod na 48 oras.

Read more...