Nagkasundo na sina House Speaker Lord Allan Velasco at dating Speaker Alan Peter Cayetano.
Ito ang inihayag ni Velasco sa pagbubukas ng special session ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na siya mismo ang naging presiding officer.
Ayon kay Velasco, nagkaayos na sila ni Cayetano matapos ang ginawang pulong sa palasyo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.
Masalimuot aniya ang pinagdaanan ng Kamara dahil sa mga hindi pagkakaintindihan pero naisaayos naman ito sa huli.
Ipinaabot din ni Velasco ang pakikipagkasundo sa iba pang mga kongresista na nakaalitan.
Hinimok nito ang lahat ng miyembro ng Kamara na magkaisa, palakasin ang Kongreso at ipakita na “honorable” pa rin ang kongresista.
Sa pagbubukas ng special session sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa pagtalakay sa 2021 General Appropriations Bill, 301 ang present kung saan 89 physically present at 212 na nasa zoom.