Sa kanyang talumpati, sinabi nito na pinagpipitagan hanggang sa mga sandaling ito ang mga naiwang alaala at legacy ng mga nagdaang kongresista kaya marapat lamang na sundan ng mga mambabatas ang kanilang mga yapak at igalang ang mga alaala sa pamamagitan ng pagsasabuhay sa kanilang “code of honor” na sinumpaan.
Hinimok din ni Velasco ang mga kongresista na ibalik muli ang tiwala at kumpyansa ng taumbayan sa Kongreso na minsang nawala dahil sa mga isyu at girian sa pwesto na naganap nitong mga nakaraan.
Sabi ni Velasco, pinahahalagahan din niya ang “word of honor” at ang oras na ibinigay sa kanya kaya nanindigan siya na ipaglaban ang Speakership.
Hiniling nito na maging mabuting halimbawa silang mga kongresista sa publiko sa pagtupad ng “palabra de honor” at ang isang pangako o salita ay nangangahulugan ng kanilang pagkakabuklod-buklod.
Pinasaringan naman nito ang pinatalsik na si House Speaker Alan Peter Cayetano sa pagsasabing mayroong mga nagko-quote at nagsasabi ng verses sa bibliya pero sa nasabing banal na aklat inihahayag kung paano igalang ang salita ng Diyos sa mga tao.
Ikinalugod din ni Velasco ang suporta at pagtitiwala sa kanya ng mayorya matapos na makakuha ng 186 votes mula sa mga kasamahang mambabatas.
Iniaalay din nito ang kanyang pagkakaluklok sa mga Filipino na nagsilbing inspirasyon para ipagpatuloy niya ang kanyang karapatan laban kay Cayetano na inuna ang sariling kapakinabangan sa halip na pagseserbisyo.
Humingi rin ito ng paumanhin kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa hindi pagkilala ng mga kongresista sa kasunduan na ito mismo ang nag-ayos.