Sa kabilang panig, nagdaos naman ng presscon sa loob ng Batasang Pambansa si “still” Speaker Alan Peter Cayetano kung saan tinawag niyang peke ang sesyon ni Velasco. Ayon sa ilang eksperto, kailangang i-validate ng aktwal na botohan sa Kamara ang suporta kay Velasco.
Pero sa panig ni Cayetano, naglabas ito ng detalyadong manifesto ng 205 congressmen na mayroong mga pangalan at pirma na sumusuporta sa kanya na bumabalewala ang naunang “term-sharing agreement” nila ni Velasco.
Ayon pa kay Cayetano, sa manifesto na iyon, merong mga “flying voter” na bumaligtad at bumoto rin sa kabila.
Dahil dito, masalimuot ang mangyayari sa pagsisimula ng apat na araw na “special session’ ng Kamara mamaya. Uunahin ba sa agenda ng session ang pagbakante sa posisyon ng Speaker? Si Cayetano lang ba ang matatanggal sa pwesto? Sino sa dalawang panig ang may aktwal na boto ng mga mambabatas, 186 kay Velasco o 205 na may pirma kay Cayetano?
Mauubos ba ang isa o dalawang araw ng sesyon sa batikusan at hindi maaksyunan ang panukalang 4.5-T national budget para sa 2021?
Ang sabi ni Presidential spokesman Harry Roque, ang gusto raw ng Pangulo ay unahin munang aprubahan ang proposed budget bago talakayin ang speakership issue. Ibig bang sabihin nito, si “still “Speaker Cayetano pa rin ang mamamahala sa apat na araw na sesyon?
Hindi ba’t ito ang ayaw ng kampo ni Velasco?
Ano ang gagawin nila mamaya? Ibabakante lamang ang posisyon ng Speaker at hindi gagalawin ang mga pinuno ng komite? Ibabalik ba ang nawalang komite sa Health Economic Affairs at youth and development ng mga kakampi ni Velasco?
Sa aking palagay, ang “show of force” ng mga kakampi ni Velasco sa Celebrity Sports Plaza ay isang malakas na mensahe na kailangan nang magbitiw sa pwesto ni House Speaker Cayetano, lalo pa’t term sharing agreement ang pinag-usapan nila ng Pangulo.
Pero, hinder aw ito gagawin ni Cayetano, at kailangang dumaan sa aktwal na botohan ang numero ng magkabilang panig. Bawat congressman ay kailangang tumayo at ipaliwanag ang kanyang boto.Mahabang proseso, pero kailangan talaga upang magkaalaman na.
Sino ba ang may super majority? Si Velasco ba o si Cayetano?
Ang sigalot na ito’y hindi pa rin matatapos sa 4-day special session na iyan. Tulad ng nangyari noong panahon ni Speakers PGMA at Pantaleon Alvarez, katakut-takot na silipan, bulgaran ang mangyayari sa mga bataan nina Velasco at Cayetano.
Tandaan natin na ang papasok na 2021 ay pre-election year kung saan, ang lakas ng liderato ni Pangulong Duterte ay unti-unti nang mauubusan ng oras. At siyempre kasama na riyan ang mga nabigong mga pangako ng kanyang administrasyon. At sisingilin na rin siya ng bayan. Kung sasabog ang kanyang koalisyon sa Kamara, tiyak na dadapa ang kanyang manok kung sinuman siya sa 2022 elections.