Sen. Hontiveros, sinasabing ‘unfair’ na isisi sa mga teacher ang mga mali sa modules

Hindi maaring isisi, ayon kay Senator Risa Hontiveros, sa mga guro ang mga napaulat na mali at nakakalitong tanong sa self-learning modules na ipinamahagi ng Department of Education (DepEd).

Ang nakikitang dahilan ni Hontiveros ay ang pagmamadali na masimulan muli ang klase at bunga nito, hindi nasuri ng DepEd ang modules.

“It is highly unfair na sa mga guro isisi itong mga mali sa modules. Nangangahulugan lang ito na hindi pa rin 100% ready ang sistema noong nagbukas ang klase. This is a sign na kinulang sa preparasyon ang mga schools at minadali ang pagbubukas ng klase,” sabi ng senadora.

Sinabi din nito na may regional offices na gumawa na ng sariling modules dahil hindi na kinaya ng Central Office ng kagawaran na maglabas ng standardized learning modules ng DepEd Central Office.

Dapat aniyang bumuo ang DepEd ng technical working group na binubuo ng mga eksperto at master teachers para gumawa ng self-learning modules at mapapagaan pa ang trabaho ng mga guro.

“Ang hinaing ng teachers, bumubuo na sila ng modules, bukod pa sa teaching load nila. Dahil sa sandamakmak na trabaho ay nasasakripisyo ang kalidad hindi lang ng module kundi pati pagtuturo sa mga bata. Kaya dapat may separate team na nakatutuok lang sa paggawa ng modules. Yun lang ang gagawin ng TWG at hindi na bibigyan ng teaching load,” sabi pa ni Hontiveros.

Read more...