Pagkamatay ni Baby River, ikinalungkot ng Palasyo

Nalulungkot ang Palasyo ng Malakanyang sa pagkamatay ng tatlong buwang sanggol na si Baby River nang hindi man lang nasisilayan ang kanyang inang political detainee na si Reina Mae Nasino na ngayon ay nakakulong sa Manila City Jail.

Hindi kasi pinayagan ng korte na magkasama ang mag-ina sa kulungan.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ang hukuman ang may hurisdiksyon sa kaso ni Nasino.

Iginagalang aniya ng Palasyo ang desisyon ng hukuman.

Iginiit pa ni Roque na walang magagawa ang sangay ng ehekutibo kung hindi ang tumalima sa kautusan ng hukuman.

“Talagang nakakalungkot po ‘yang insidenteng ‘yan. Pero wala pong magagawa ang Presidente, ‘yan po ay nasa hurisdisyon ng ating hukuman. The decision po lies wholly with the regional trial court and the regional trial court has ruled. We respect that decision and the Executive will implement that decision,” pahayag ni Roque.

Namatay si Baby River sa Philippine General Hospital matapos makaranas ng pagtatae at acute gastro-enteritis.

November 2019 nang arestuhin ang isang buwang buntis na si Nasino dahil sa kasong illegal possesion of firearms and explosives.

Mariin itong itinanggi ni Nasino at iginiit na planted ang nga nakumpiskang armas sa kanya.

Nagsagawa ng raid ang mga pulis sa tanggapan ng grupong Bayan sa Maynila kung saan naaresto si Nasino kasama ang dalawang iba pang aktibista.

Read more...