Pamamaslang kay Biñan City Laguna Council Secretary Edu Alonte Reyes maaring ‘vendetta’ ang motibo

Vendetta ang isa sa nakikitang dahilan ng mga otoridad sa pamamaslang kay Biñan City Laguna Council Secretary Edu Alonte Reyes.

Si Reyes, pinsan ni Biñan Lone District Rep. Marlyn Alonte ay nasawi matapos tambangan ng mga hindi pa nakilalang suspek noong Oktubre 4.

Batay sa report ng Biñan Police Office sa tanggapan ni Region 4-A regional director, P/BGen. Vicente Danao, si Reyes ay una ng itinuro ni Mark Anthony ‘Ricky’ Ayug Sison bilang utak at financier sa pagpatay sa ilang pulis at lokal na opisyal sa Biñan City noon.

Si Sison, umano’y lider ng ‘Ayug/Pogi Sison Organized Crime Group,’ ay naaresto noong Setyembre sa Midsayap, North Cotabato.

Si Sison ang “number one most wanted” criminal gang leader sa Calabarzon at isinasangkot sa mga murder-for-hire, illegal drugs, robbery, extortion at iba pang iligal na aktibidad.

Itinuturo rin si Reyes bilang pinakamalaking gambling lord at protektor umano ng mga iligal na bisyo sa Biñan.

Batay sa nakalap na impormasyon, bago umano ang ambush kay Reyes ay may nakalaban itong grupo ng local gambling lord patungkol sa isyu ng teritoryo.

Read more...