Ang dayuhan na si Resky Fantasya Rullie aylas Cici ay naaresto ng mga tauhan ng 11th Infantry Division ng Philippine Army, Criminal Investigation and Detection Group 9, National Intelligence Coordinating Agency 9 at Bureau of Immigration.
Siya ay asawa ng napatay na si Abu Sayyaf Group (ASG) sub-leader Andi Baso at anak ng Indonesian couple na sangkot sa January 2019 twin suicide bombing sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo.
Ayon kay BI Intelligence Mindanao Task Group (MITG) head Melody Gonzales, si Rullie ay isinailalim sa dalawang buwang surveillance at natuklasang sangkot ito sa pagpaplano ng pagpapasabog sa Sulu.
Kasama ring naaresto sina Inda Nhur at Fatima Sandra Jimlani Jama na kapwa din asawa ng matataas na opisyal ng Abu Sayyaf.
Sinabi ni Gonzales na may mga nakumpiskang suicide vest, bomba, at iba pang improvised explosive device mula sa tatlo.
Haharapin muna ni Rullie ang mga kasong kriminal bago umusad ang deportation proceedings laban sa kaniya.