Matapos ipag-utos ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pag-iimbestiga sa puno’t dulo ng madugong riot sa hanay ng mga preso, aalamin ng Bureau of Corrections sa mismong mga preso ang ugat ng kaguluhan.
Ayon kay Gabby Chaclag, tagapagsalita ng Bucor, alam ng mga namumuno sa Sputnik Gang at Commando Gang kung sino ang nagpasimuno ng riot na nagsimula ala-1 ng madaling araw sa Quadrant 4 Buildings 2, 5 at 9 sa Maximum Security Compound.
Sinabi pa nito na kapag nakilala ang mga nagsimula ng kaguluhan mababawasan ang nakuhang merito ng mga ito sa kanilang good conduct and time allowance o GCTA.
Maaring ihiwalay din ang mga ito sa kanilang mga kasama sa grupo para hindi na muling makapagsimula ng gulo.
Sa paunang ulat, halos dalawang oras ang itinagal ng kaguluhan at sa paunang ulat ng Southern Police District, siyam na preso ang namatay.
Ayon sa mga nadamay na preso bigla na lang lumipad ang mga bato at kanya kanya ng dampot ng magagamit na armas ang mga nag-aaway nilang kakosa.
Tumindi ang kaguluhan nang magtangka ang dalawang grupo na pasukin ang teritoryo ng isat isa.
May pito pa ang nasugatan at ang mga ito ay ginagamot sa NBP Hospital.
Base sa pahayag ng mga preso, apat ang maaring dahilan ng kaguluhan, ang insidente ng pananaksak sa isang miyembro ng Commando Gang at ang paghuli sa isang miyembro ng Commando Gang dahil sa droga at itinuro umano ng ‘mayor’ ng Sigue-Sigue.
Diumano may isang baklang preso na may bitbit na electric fan ang na-bully at ang pang-apat ay ang pangho-hostage ng isang alias Pogi ng Commando Gang sa mga miyembro ng Sigue Sigue.