Sa deliberasyon ng 2021 budget ng Department of Foreign Affairs, pinuna ni Senator Christopher Go ang mga ‘butas’ at pagkukulang sa sistema kaugnay sa pagbibigay tulong sa mga Filipino na nasa ibang bansa.
Pinuri naman ng senador ang mga pagsusumikap ng DFA ngunit aniya kapansin-pansin din ang mga tila lamat sa mga hakbang.
“There have been perennial gaps in our system that have been highlighted further in this pandemic, particularly when it comes to inter-agency coordination and response to concerns of overseas Filipinos in distress,” pansin ni Go.
Ito aniya ang dahilan kayat nais niyang mabuo na ang Department of Overseas Filipino sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 1835.
Naniniwala ito na kapag nailagay lang sa iisang kagawaran ang mga isyu at pangangailangan ng mga Filipino sa ibang bansa, mas magiging madali sa kanila ang humingi ng tulong at serbisyo mula sa gobyerno.
“Ang gusto naman natin ay gawing mas streamlined and responsive ang gobyerno sa pangangailangan ng mga tao — without taking anything away from the hardworking men and women of existing agencies, such as the DFA,” sabi pa ng senador.