Pag-apruba ng mga Binay ng P14-B budget, iligal – COA

Inquirer file photo

Lumalabas sa report ng Commission on Audit (COA) na labag sa batas ang pag-apruba ng mag-amang Vice President Jejomar Binay at dismissed Makati Mayor Junjun Binay ng mga supplemental budgets noong sila pa’y nanunungkulang alkalde sa Makati City.

Ayon sa COA, umaabot sa P14 bilyon ang kabuuang halaga ng mga inaprubahang pondo ng mag-amang Binay mula 2007 hanggang 2011 para sa ilang infrastructure projects.

Kasama na rito ang una nang inilabas na maanomalyang P2.8 bilyong pagpapatayo ng Makati City Hall Building II noong si VP Binay pa ang alkalde, taong 2008.

Ang mga hinihinalang iregularidad na nag-ugat sa kontrobersyal na 11-palapag na parking building ang nag-tulak sa Office of the Ombudsman na patawan ng habambuhay na pagbabawal kay Binay Jr. na manungkulan muli sa pamahalaan.

Nakasaad rin sa 148-page report ng special audit team ng COA, na inaprubahan ni Binay ang milti-milyong pisong infrastructure projects na hindi naman laman ng taunang procurement plan ng lungsod. Nabunyag rin sa mga resibo at expenditures na ang pondo ay “bloated” ng P1.2 bilyon noong 2007 at P2.3 bilyon naman noong 2008, taon kung kailan dapat natapos na ang ipinagawang gusali.

Pinalabas pa sa mga financial statements na ang mga pondo ay galing sa loans mula sa Land Bank of the Philippines, ngunit napatunayang hindi naman talaga nailabas ang mga ito, bagkus ay nailabas lamang noong 2010.

Una nang inakusahan ng Bise Presidente si Ombudsman Conchita Carpio Morales na minamadali at iniimpluwensyahan ang COA na isapubliko ang audit report.

Iginiit naman ng nakababatang Binay na ang timing ng COA report ay sinadya kasabay ng pangangampanya ng kaniyang ama sa pagka-pangulo.

Binalaan rin ng United Nationalist Alliance (UNA) na maaring mapanagot ang COA sa paglalabas ng hindi kumpletong report sa kasagsagan ng panahon ng eleksyon.

Read more...