Mariing itinatanggi ng manager ng RCBC Jupiter St., Makati City branch na may kinalaman ito sa diumano’y $81,000,000 money-laundering scheme kung saan isinasangkot din ang anim na negosyante at ilang casino sa bansa.
Sa pahayag ni Atty. Ferdie Topacio, abugado ni Maia Santos-Deguito, branch manager ng naturang bangko, sinabi nito na walang iligal sa mga hakbang na ginawa ng kanyang kliyente kaugnay sa mga transaksyon kaugnay sa transfer ng naturang halaga noong nakaraang buwan.
Paliwanag pa aniya ng kanyang kliyente, batid din mismo ng mga matataas na opisyal ng RCBC head office ang mga naturang transaksyon.
Paliwanag pa aniya ni Deguito, mismong ang presidente at CEO ng RCBC na si Lorenzo Tan ang nagbigay ng ‘go-signal’ upang pahintulutan ang paglilipat o ‘transfer’ ng $81 million sa limang US dollar accounts sa naturang branch.
Tinuturan pa siya umano ni Tan kung paano sasagutin ang mga isyu na ipinupukol sa kanya.
Ang pagbubukas ng apat sa limang accounts na nasa pangalan nina Michael Francisco Cruz, Jessie Christopher Lagrosas, Enrico Teodoro Vasquez at Alfred Santos Vergara ay pinangasiwaan ni Deguito.
Ang mga ito kasama ang dalawa pang negosyante ay iniimbestigahan ng Anti-Money Laundering Council dahil sa remittance ng $81-million mula sa Bangladesh Bank na nakulimbat ng mga hacker mula sa US Federal Account nito.
Batay sa memorandum na nakuha ng Inquirer, si Deguito ay sumasalang sa ‘internal investigation’ ng RCBC dahil diumano sa pagpapahintulot nito na maiproseso ang wire transfer ng naturang halaga noong February 5, 2016.
Dahil umano sa ‘validation’ ni Deguito sa wire transfer ng pera mula sa Bank of Bangladesh, ay nailipat ang malaking halaga ng pera sa limang accounts.
Samantala, tinawag namang ‘malicious’ o malisyoso ang mga alegasyong nagsasangkot sa top-management ng RCBC sa umano’y money laundering scheme.