Nilinaw ni Defense Sec. Voltaire Gazmin na isinasa-pinal pa ng bansa ang pag-arkila ng limang training aircraft sa Japan para makatulong sa pagpa-patrol sa South China Sea.
Matandaang noong Miyerkules ay inanunsyo na ni Pangulong Benigno Aquino III sa kaniyang talumpati na malapit nang mag-patrulya sa mga katubigan sa West Philippine Sea ang nasabing limang eroplano mula sa Japan.
Ayon kay Gazmin, pinag-uusapan pa ang tungkol sa pag-aarkila ng TC-90, at magkakaroon pa ng ibang pag-uusap tungkol sa kung paano ito maisasakatuparan.
Ani pa Gazmin, ang Japan ang nag-alok ng mga eroplano na maaring gamitin para mas palakasin ang maritime patrol sa pinag-aagawang teritoryo.
Maging si Defense spokesman Peter Paul Galvez, sinabi rin na ang nasabing kasunduan ay nasa pag-uusap pa at isinasapinal pa rin.
Nilinaw rin nila na ang mga eroplano ay aarkilahin sa napaka-murang halaga lamang, at hindi pa naman nila masabi kung kailan darating ang mga ito.