Idinaan ng mga sundalo sa pagtatayo ng mga classrooms ang kanilang ‘giyera’ laban sa insurgency sa Masbate.
Sa halip na mga baril at bala, pala, martilyo at maso ang bitbit ng mga sundalo na mula sa 565th Engineering Batallion ng Charlie Company ng PA para sa pagtatayo ng mga silid-aralan sa ilang mga barangay at munisipalidad sa Masbate kabilang ang Pio Corpus.
Ayon kay Brig. Gen. Joselito Kakilala, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Civil Relations Services (CRS), ang pagtulong sa pagtatayo ng mga silid aralan ay isa sa epektibong paraan para wakasan ang insurgency sa mga kanayunan at maiahon ang mga residente sa kahirapan.
Paliwanag ni Kakilala, ang edukasyon ay mabisang armas para magkaroon ng pagbabago sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagmumulat sa kanila mula sa mga kaalaman kailangan para maging maayos ang pamumuhay.
Kaugnay nito, pinapurihan naman ng Department of Education-Masbate ang proyekto na tinawag nitong ‘labor of love’ bunsod na rin ng pagmamalasakit na ipinakita sa kanila ng mga sundalo.