Nagbabala ang Smartmatic, ang supplier ng mga ‘Vote Counting Machines’ sa posibilidad na magkaroon ng ‘failure of elections’ sa nalalapit na May 9 elections.
Ito ay kung ipipilit ang pag-iisyu ng vote receipt sa May 9 polls kahit kulang na sa panahon para ipatupad ito.
Sa liham na ipinadala ng Smartmatic sa Commission on Elections na kung saan ang kopya nito ay nakuha ng Inquirer, isinasaad ang pangamba ng UK-based company sa posibilidad ng masamang epekto sakaling hindi agad maisakatuparan ang adjustment sa mga VCM.
Anila, tulad ng kanilang mga nakaraang karanasan noong 2010 at 2013 at sa iba pang bansang kanilang sinuportahan sa eleksyon, sasablay ang halalan kung igigiit na gamitin ang ‘printed receipt feature’ kahit kulang na sa oras.
Sa pagtaya ng Smartmatic, kakain ng mahabang panahon at karagdagang pondo ang pagpaaptupad ng kautusan ng Supreme Court na mag-isyu ng voters verification receipt kahit nasa halos dalawang buwan na lamang ang nalalabi upang paghandaan ang eleksyon.
Giit pa nito, maraming babaguhin at idadagdag sa sistemang nauna na nilang pinaghandaan at kinakailangang dumaan pa sa re-training ang mga tauhan ng Comelec na magpapatupad sa pag-iisyu ng voters receipt sa araw ng botohan.
Mangangailangan din aniyang i-upgrade ang software at hardware na mangangailangan ng dagdag na panahon upang isagawa.
Sakali anilang hindi maipatupad ang kinakailangang retraining at iba pang paghahanda, malaki ang posibilidad na pumalpak ang pag-iisyu ng resibo at malalagay sa alanganin ang buong proseso ng halalan sa Mayo.
Matatandaang una nang ipinag-utos ng Supreme Court sa Comelec na mag-isyu ito ng voters receipt bilang pagkatig sa petition for mandamus ni dating senador Richard Gordon.