Ayon sa report ng kanilang broadcaster, ang mga nasabing dokumento ay mga forms na pinupunan at sinusulatan ng mga ISIS recruits para matanggap sa organisasyon, at pawang naglalaman ng mga impormasyon ng mga miyembro mula sa 51 bansa.
Nakasaad sa report ng Sky na isang dating miyembro na naging dismayado sa grupo ang nag-abot ng mga dokumento sa pamamagitan ng isang memory stick na ninakaw mula sa pinuno ng internal security police ng ISIS.
Nagpakilala siya bilang Abu Hamed, dating miyembro ng Free Syrian Army na sumapi sa ISIS, na nag-sabing ninakaw niya ang mga ito at ibinigay sa isang mamamahayag sa Turkey.
Ginawa niya aniya ito dahil tila nawala na ang Islamic rules sa loob ng grupo, at ibinunyag niya pang binitawan na ng grupo ang kanilang headquarters sa Raqqa, Syria at lilipat na sa disyerto.
Inabisuhan na ng Sky News ang mga otoridad tungkol dito, ngunit hindi naman agad nag-komento ang interior o foreign ministry man lamang ng Britain kung saan naka-base ang news channel.
Sinasabi pang ilan sa mga dokumento ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga noo’y hindi matukoy na jihadist sa northern Europe, United States, Canada, North Africa at Middle East.
Base sa mga kopya, kailangang sagutan ng mga recruits ang 23 na katanungan, tulad ng kanilang blood type, mother’s maiden name, “level of sharia understanding” at mga previous experience.
Kasama na rin sa listahan ang mga pangalan ng mga mandirigma ng ISIS na una nang nakilala tulad nina Abdel-Majed Abdel Bary na dating rapper, Junaid Hissain na isang cyber-operative ng grupo at Reyaad Khan na lumabas sa isang recruitment video at napatay noong nakaraang taon.