Base sa paunang resulta ng imbestigasyon ng Philippine Amusement Gaming Corp. (PAGCOR), tanging $46 million lamang ng $81 million na ninakaw sa pondo ng Bangladesh ang nakapasok sa mga casino sa bansa.
Ayon sa isang mataas na opisyal ng PAGCOR, ang mga pondo ay hinati sa dalawang tranche, ang una ay ang $26 million na ipinasok sa account ng Solaire Resort and Casino, at ang isa pa ay ang $20 million tranche na idiniretso naman sa mga accounts ng Eastern Hawaii Casino and Resort sa Cagayan Economic Zone Authority.
Ang nasabing dalawang tranches na may kabuuang $46 million ay bumubuo sa 56 percent ng nakaw na perang naipasok sa Philippine financial system sa pagitan ng mga petsang February 5 hanggang 9, 2016.
Ang naturang $81 million ay hinihinalang bahagi ng $1 billion na ninakaw ng mga hackers mula sa Bangladesg central bank account sa Federal Reserve Bank of New York.
Ayon pa sa opisyal na source ng Inquirer, ang bahaging ito ng 81 million dollars na napunta sa mga lokal na casino ay ginamit lahat para itaya at ipambili ng mga chips.
Isinasagawa pa ang imbestigasyon kaya tumanggi munang magpakilala ang nasabing source.
Hindi na aniya naipasok sa local casino system ng bansa ang iba pang bahagi ng malaking halaga ng dirty money na sinasabing nailusot sa Pilipinas, at hindi na nila alam kung saan ito napunta.
Aniya pa, mayroong mga sinusunod na protocols ang local gaming industry para mahadlangan ang posibleng money laundering, tulad ng pag-eencash ng mga chips para lamang sa mga taong orihinal na nagdala nito sa kanila.
Dito naiiwasan ang pagsasalin ng pondo mula sa isang tao o grupo patungo sa iba.
Aniya pa, bago pa man mag-labas ng freeze order ang Court of Appeals alinsunod sa hiling ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) noong March 1, ginagamit pa pang-taya ang perang ito at nang lumabas lamang ang balita sa Inquirer, saka lamang ito inaksyunan ng mga otoridad.