Nagbigay-linaw ang Department of Health (DOH) sa ulat ng Commission on Audit (COA) hinggil sa halos P2.2 bilyong halaga ng pa-expire na mga gamot at medical supplies.
Sa inilabas na pahayag ng kagawaran, iginiit na ang sinakop lang ng 2019 COA-Consolidated Annual Audit Report ay ang kabuuan ng taon at hindi pa sakop ang 2020.
Sinabi naman ni Health Usec. Ma. Rosario Vergeire na iba na ang sitwasyon ngayon sa kanilang Central Office at aniya, ang lahat ng mga gamot na malapit nang mag-expire ay naipamahagi na nila.
“Sa kasalukuyan, nakapag-distribute na po tayo ng lahat ng near-expiring medicines amounting to more than P1 billion,” sabi ng tagapagsalita ng kagawaran at dagdag nito, “lahat po iyan we were able to distribute already from January to August of 2020.”
Sinabi pa nito na sa nabiling 63,250 dental kits, 98 porsyento na ang naipamigay at tanging ang kasama na toothpaste ang malapit ng mag-expire kayat napakinabangan pa rin ang mga toothbrush at sabon.
Samantala, P815 milyon na sa tinukoy na P1.1 bilyon halaga ng mga ‘slow moving commodities’ ang naipamahagi rin at ayon kay Vergeire, sa kasalukuyan ay patuloy ang pamamahagi ng P322 milyon halaga ng mga gamot at gamit na mag-eexpire sa susunod na taon hanggang 2023.