Maraming motibo ang pinaglalabanan. Paghahanda ng mga papalit kay President Duterte sa 2022 elections, pork barrel sa susunod na taon 2021, na isang pre-election year. Pambansang kasikatan, patuloy na kapangyarihan, maraming iba pa.
Pareho silang pumasok ng term-sharing agreement noong July 2019 dahil ayaw nilang sumabog ang eleksyon dahil parehong kulang ang mga boto nila. (Noon, pinakamaraming supporters si Leyte representative at ngayo’y majority leader Martin Romualdez- na naupo sanang Speaker kung hindi nangyari ang “15-21 months term sharing”.
Kasunduang nabasag nitong nakalipas na araw. Sabi ng kampo ni Cayetano, tatlong beses nang nag-kudeta itong si Velasco. Pinabulaanan niya ito at sinabing nanahimik lang daw siya. Wala rin daw siyang kinalaman sa expose sa “proposed budget” ng mga kakampi niyang sina ex-Rep. Abie Benitez at Rep. Arnulfo Teves.
At nangyari na nga ang harapan ng dalawa kay President Duterte. Ilang minuto pa lang nakakaraan, kumalat sa twitter na si Velasco na ang bagong speaker at magrere-sign si Cayetano sa October 14 matapos aprubahan ang 2021 budget. Kinabukasan, nagtalumpati si Cayetano, ipinaliwanag ang napag-usapan sa Malakanyang at biglang nag-bitiw bilang speaker dahil atat na atat na raw si Velasco. At alam na natin ang nagyari, 184-1-9 ang nominal voting na nagsasabing siya pa rin ang speaker.
Matapos ang mga batikusan, humingi ng permiso si Velasco kay Duterte na tumakbong speaker na ”right” naman daw niya. Pero, kinabukasan, inaprubahan ng Kamara sa 2nd reading ang national budget at itinigil ni Cayetano ang mga plenary sessions hanggang Nobyembre 16, para sa 3rd reading at final approval.
Sa mga maniobra ni Cayetano, nawalan ng pagkakataon si Velasco na ibakante ang posisyon ng Speaker at mag-kudeta. Bukod dito, apat sa kanyang mga kakampi ang inalisan ng posisyon, Sina Deputy speaker Mikee Romero, Reps. Helen Tan, Sharon GArin at Eric Martinez. Isang deklarasyon ng digmaan.
Masakit ito sa grupo ni Velasco, dahil hindi sila makakatikim ng “pork barrel” o “favors” sa pinag-uusapang 2021 national budget. Wala tuloy silang maipapasikat na proyekto sa kanilang botante bago ang 2022 elections.
Sabi ni Cayetano, kung nakipag-usap lamang si Velasco at nakipagtulungan sa pagbuo ng budget, wala raw problema sa “transition” para ibigay niya ang Speakership. Pero, iba raw ang galaw nito at kahit pakiusap ni Presidente ay hindi inintindi. Bagay na pinabulaanan naman ni Velasco.
Noong una, ang akusasyon ni Velasco ay hino-hostage ni Cayetano ang 2021 budget. Nang maaprubahan sa 2nd reading, “railroading” ang akusasyon naman nito. Sa panig ng Malakanyang, ang ginawa ni Cayetano ay pasok pa rin sa kanilang House legislative calendar.
Ano ang mangyayari ngayon sa mga susunod na araw?
Sa totoo lang, na-outside the kulambo si Velasco sa Kamara sa panahon na ‘inaatado” ngayon ang bilyun-bilyong pisong proyektong pampasikat ng mga pulitiko sa 2021. Ang tanging pag-asa niya ay magkaroon ng “plenary session” para ideklarang bakante ang “speakership” at tuluyan nang sibakin si Cayetano. Pero, ang malaking tanong, meron ba siyang numero? Sabi ni Rep. Lito Atienza, meron daw 154 supporters ito, mula party list coalition, NPC, PDP LABAN at Hugpong si Inday Sara.
Mga numerong magkakaalaman lamang pagdating ng “kudeta”. Pero, sa ngayon, maliwanag na kulang pa sa “gulang” at “political savvy” itong si Lord Velasco na nag-aambisyong maging House Speaker. Ang posisyon po ng Speaker ay pang-apat sa hierarchy kung mawawala ang Presidente.
Huwag namang sasama ang loob ni Velasco, pero kung sakali, kaya ba niyang mag-Presidente, Vice President o Senate President ngayon?
Kung diyan pa lang sa Kamara ay nagulangan na siya, paano pa sa ibang pambansang posisyon?