Magiging agenda ng National Task Force on COVID-19 ang mga panukala na payagan ang mga kabataan, partikular na ang mga mahihirap na mag-aaral, sa mga internet shop para makasabay sa online and modular learning.
Ito ay pagkonsidera sa mga estudyante na hindi kayang bumili ng gadgets at internet load.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, vice chairman ng task force, ilalatag ang naturang panukala sa Inter Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Ginawa ang paglilinaw, ayon kay Police Lt. Gen. Guillermo Elezar, commander ng Joint Task Force COVID Shield, kailangan ng mas malinaw na polisiya ukol sa pagpunta ng mga mag-aaral sa internet shops para sa kanilang aralin.
Diin nito, sa pinaiiral na guideline, pinagbabawalan ang mga menor de edad sa mga establisyemento kasama na ang internet shops para na rin sa kanilang kaligtasan sa banta ng nakakamatay na sakit.