Sen. Lapid, inihirit na pangalanan na Fernando Poe Jr. Avenue ang isang kalsada sa QC

Naghain ng panukala si Senator Lito Lapid para maging Fernando Poe Jr., ang Del Monte Avenue sa Quezon City.

Paliwanag ni Lapid sa kanyang Senate Bill No. 1822, layon niyang bigyang-pugay at pag-alala ang mga naiambag ng tinaguriang ‘Da King’ sa pelikulang-Filipino.

“Siya ay isang idolo at haligi ng pelikulang Pilipino. Si Da King ay gumanap sa halos 300 pelikula sa kabuuan ng kanyang 46 taong propesyon. Sa ilan sa mga ito, siya pa mismo ang direktor, prodyuser at iskritor. Kaya na lamang bilang pagkilala sa kanyang malaking ambag sa sining at kultura, siya ay hinirang na National Artist for Cinema noong 2006,” sabi ni Lapid sa pagdining ng Committee on Public Works sa kanyang panukala.

Dagdag pa nito, hindi rin matatawaran ang ipinakitang malasakit ni FPJ sa masa, na aniya ay bunsod din ng naging karanasan ng kanyang idolo.

Ibinahagi ni Lapid na ang pamana ni FPJ na FPJ Productions ay nasa Del Monte Avenue kayat nais na niya itong makilala bilang Fernando Poe Jr. Avenue.

“Ang FPJ Productions ang nagsilbing “pandayan” ng mga maalamat na obra maestra na pinagbidahan, sinulat, dinirek o nilikha ni FPJ. Sa pamamagitan nito, maiuukit sa pambansang kamalayan ang alaala at buhay ni Fernando Poe, Jr., lalong-lalo na sa mga susunod na henerasyon,” katuwiran pa ng senador.

Read more...