Inihayag ng Bureau of Jail Management and Penology na sa sakit na tuberculosis at hindi sa naganap na riot kahapon namatay ang isang detenido sa Makati City Jail.
Ayon kay BJMP Spokesman Jail Sr. Insp. Xavier Solda, ang 39-anyos na si Arnold Marabe ay binawian ng buhay sa medical area, kung saan dinala ang iba pang mga maysakit na detenido nang sumiklab ang noise barrage kahapon.
Nabatid na nahaharap sa kasong drug trafficking si Marabe.
Pagkatapos lusubin ng Special Tactics and Response Team ng BJMP ang mga selda ng alas dos ng madaling araw, umabot sa 29 na detenido ang nasaktan.
Sa kaguluhan, sinira ng mga detenido ang kanilang mga higaan gayundin ang CCTV cameras at dahil na rin sa kaguluhan, lahat ng mga pinuno ng mga selda ay inilipat sa BJMP detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Dagdag pa ni Solda, nagsimula ang noise barrage dahil ayaw ng mga detenido na makapagsagawa ng Oplan Greyhound ang BJMP para maghalughog ng mga kontrabando sa mga selda.