Ayon kay Human Rights Commissioner Chito Gascon, tumawag sa kanya ang pamangkin ni Salonga para ipaalam na yumao na ang tiyuhin kaninang alas tres ng hapon.
Sinabi naman ni Atty. Roberto Mendoza, partner sa Salonga Hernandez Mendoza law office, na ang anak ng dating senador ang unang nagsabi sa kanya kagabi na nasa kritikal na kundisyon ang ama at naka-confine sa Philippine Heart Center.
Wala namang ibang detalyeng inilabas ukol sa dahilan ng pagyao ni Salonga.
Bilang champion ng Philippine Democracy at kilalang kalaban ng Marcos regime, ipinagtanggol ni Salonga ang political prisoners na nakulong ng walang kaso noong Martial Law.
Matapos maibalik ang demokrasya, pinamunuan ni Salonga ang Philippine Commission on Good Government na layong irekober ang mga nakaw na yaman ng pamilya Marcos at kanilang cronies.
Tatlong beses itong nangunang senador, noong 1965, 1971 at 1987 at nagsilbing Senate President mula 1987 hanggang 1991.
Tumakbo si Salonga bilang pangulo noong 1992 sa ilalim ng Liberal Party pero tinalo ito ni dating Pangulong Fidel Ramos.