Taun-taon ay inuusisa ni Senate Minority Leader Frank Drilon sa PDEA ang mga nakumpiskang droga na nasa kanilang kustodiya.
Ayon sa senador siya ang nagtulak sa Republic Act 9165 o ang Dangerous Drugs Act of 2002 na dapat ay agad winawasak ang mga nakukumpiskang droga sa mga operasyon.
Kayat labis na ikinatuwa ni Drilon ang direktiba ni Pangulong Duterte sa lahat ng nagkakasa ng anti-drugs operation na wasakin na ang lahat ng kumpiskadong droga hanggang sa susunod na linggo.
Katuwiran nito, lubhang nakakabahala ang mga kaso ng pag-recycle ng droga gaya na lang ng gawain ng mga tinaguriang ‘ninja cops’ kayat aniya panahon na para ayusin ang mga butas sa batas.
Pansin nito, palaging itinuturo ng PDEA ang mga hukom na matagal magpalabas ng kautusan para sa pagwasak ng mga ebidensiyang droga.
Paalala ng senador inilabas ng Office of the Court Administrator ang Circular No. 118-2020 na nag-uutos sa mga hukom na sundin ang Section 21 ng RA 9165 at dapat gawin prayoridad ang pagwasak sa mga nakumpiskang droga na higit limang kilo ang timbang.
Diin nito dapat sa loob ng 72 oras ay nakapagsagawa na ng inspection ang korte sa mga nakumpiskang droga at sa susunod na 24 na oras ay nawasak na ang mga ito.