Ayon kay Velasco makasarili ang hakbang ni Cayetano dahil hindi nabigyan ng sapat na panahon ang mga myembro ng Kamara na busisiin ng husto ang budget ng bawat ahensya ng gobyerno.
Taliwas din aniya sa ginawang pagapruba sa P4.5 Trillion 2021 national budget ang naunang pangako ni Cayetano na magiging bukas, transparent, makabuluhan at kapaki-pakinabang sa taumbayan ang pambansang pondo.
Nilabag din anya ni Cayetano ang probisyon ng Konstitusyon sa paggalang sa inter-parliamentary courtesy nang suspendihin nito ang sesyon hanggang sa November 16 na wala man lamang consent mula sa Senado.
Dala anya ng pagiging desperado ni Cayetano ang aksyon nito para manatili sa kapangyarihan ay pilit nitong binabago ang Konstitusyon at house rules na sinumpaan nilang mga mambabatas na poprotektahan at igagalang.
Naniniwala din si Velasco na batid ni Cayetano na hindi na buo ang tiwala at kumpyansa sa kanya ng mga kasamahang kongresista matapos ang pulong niya noong isang gabi kay Pangulong Rodrigo Duterte kung saan pinayagan siyang tumakbong Speaker at igiit ang karapatan nito sa kasunduan sa hatian ng termino.