PAGASA, may binabantayang bagyo sa labas ng bansa at 2 LPA sa loob ng PAR

Photo grab from DOST PAGASA website

May isang binabantayang bagyo ang PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA weather specialist Joey Figuracion, huling namataan ang Tropical Storm na may international name na Chan-Hom sa layong 1,780 kilometers Silangang bahagi ng extreme Northern Luzon bandang 3:00 ng hapon.

Wala aniyang direktang epekto ang bagyo sa bansa ngunit hinihila nito ang Southwest Monsoon o Habagat.

Maliit aniya ang tsansa na pumasok ang bagyo ng teritoryo ng bansa.

Ngunit kung pumasok man, ani Figuracion, maaaring sa border lamang ito sa Hilagang-Silangang bahagi ng PAR.

Samantala, dalawa pa rin ang binabantayang low pressure area (LPA) sa loob ng bansa.

Ang isang LPA ay huling namataan sa 600 kilometers Silangang bahagi ng Infanta, Quezon.

Asahan aniyang malulusaw ang LPA sa mga susunod na araw.

Habang ang isa naman ay nasa bahagi ng West Philippine Sea sa 515 kilometers Kanluran ng Coron, Palawan.

Sinabi ng weather bureau na posibleng maging bagyo ang LPA sa bahagi ng West Philippine Sea.

Ngunit bago maging ganap na bagyo, sinabi ni Figuracion na maaaring nasa labas na ng bansa ang sama ng panahon papuntang Vietnam.

Ani Figuracion, patuloy na nakakaapekto ang Habagat sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Bunsod ng mga umiiral na weather system sa bansa, asahan aniyang makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan na thunderstorms sa Visayas, Bicol region, MIMAROPA, Zamboanga Peninsula, Bangsamoro at Soccsksargen.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa, asahan ang pulo-pulong pag-ulan dulot ng thunderstorms.

Read more...