COA, may inirekomenda nang parusa laban kay VP Binay

 

inquirer.net/Contributed photo

May inirekomenda nang mga parusa ang Commission on Audit (COA) laban kay Vice President Jejomar Binay base sa mga nagawa niyang paglabag sa pagpapatayo ng Makati City parking building.

Nakasaad sa COA report na nakuha ng Philippine Daily Inquirer, na mananagot si Binay sa mga kasong grave misconduct, dishonesty, gross inexcusable negligence, at paglabag sa graft and corrupt practices.

Inendorso ng 12 miyembro ng special audit team ng COA ang pagkaka-tanggal sa posisyon, multa at pagkaka-kulong bilang parusa kay Binay.

Sakaling isang ordinaryong opisyal lamang si Binay, maari siyang ipatanggal agad sa pwesto ng Office of the Ombudsman, ngunit nakasaad sa Konstitusyon na magagawa lamang ito sa bise presidente sa pamamagitan ng impeachment proceedings.

Dahil dito, maipapataw lamang ang mga parusa kay Binay pagkatapos ng kaniyang termino bilang pangalawang pangulo ng bansa.

Ayon pa sa report, dapat mapanagot si Binay sa pamamagitan ng administrative discipinary actions dahil sa paglabag niya sa mga circulars at memorandum ng COA mula noong 2007 hanggang 2010.

Lumalabas kasi na may mga iregularidad sa pagtatayo ng P2.8 bilyong Makati Parking Building 2, mula sa budgeting, hanggang sa procurement at sa mismong execution na nag-resulta sa misuse of public funds.

Bukod dito, lumalabas rin na ikinalugi ng pamahalaan ang pagbibigay ng lokal na gobyerno ng Makati City ng undue advantages sa kumpanyang Hilmarc’s Construction at MANA.

Hindi rin “covered with an appropriation, awarded through simulated bidding and payments thereof, were not supported with the documents and information required by law,’’ ang kontrata ng Makati sa MANA para sa architectural at engineering services para sa nasabing gusali na nagkakahalaga ng P11,974,900.

Inaprubahan na ni Assistant Commissioner Alexander B. Juliano ang 148-pahinang report ng audit team kaugnay sa mga parusa kay Binay.

Read more...