Informal settlers sa Culiat, pumayag na mag-“self-demolish” ng tahanan

 

Kuha ni Jun Corona
Kuha ni Jun Corona

Matapos ang dalawang araw na gulo at tensyon, pumayag na rin sa wakas ang mga informal settlers na lisanin ang pribadong lote sa Brgy. Culiat, Quezon City sa Biyernes.

Nagkaroon na ng kasunduan na bibigyan ang mga informal settlers ng tatlong araw na grace period, isang araw matapos isagawa ng mga otoridad ang writ of demolition na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court-Branch 98 noon pang August.

Inilabas ang demolition order sa ngalan ng pamilya Picache na nagma-may-ari ng 2,003-square meter na lote na pinagtayuan ng bahay ng nasa 100 pamilya.

Ayon kay court sheriff Bienvido Reyes Jr., bigo ang mga residente na makakuha ng temporary restraining order mula sa Court of Appeals. Ani Reyes, hindi naman inangkin ng mga residente ang lupa, ngunit kinwestyon nila ang titulong hawak ng mga Picache dahil ang nakasaad dito ay isang ari-arian sa Bulacan at hindi sa Culiat.

Hindi bababa sa walong residente at tatlong pulis ang nasugatan dahil sa riot.

Ayon naman kay Brgy. Culiat chairman Victor Bernardo, pumayag na ang mga residente na mag-“self-demolish” pero humihingi lang sila ng tatlo pang karagdagang araw dahil hindi pa sila handa.

Humingi na rin aniya ng tulong si Quezon City Rep. Kit Belmonte sa National Housing Authority para humanap ng relocation site para sa mga pamilyang pinaaalis na sa nasabing lugar.

Read more...