6 negosyante, iniimbestigahan kaugnay sa money laundering scheme

 

kim-wong
Inquirer fil;e photo

Anim katao ang isinasailalim sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council o Amlac dahil sa posibleng pagkakasangkot ng mga ito sa 81 milyong dolyar na kaso ng electronic fraud at money laundering scheme noong nakaraang buwan.

Batay sa mga dokumentong hawak ng Inquirer, kinilala ang mga iniimbestigahan na sina Michael Francisco Cruz, Jessie Christopher Lagrosas, Alfred Santos Vergara, Enrico Teodoro Vasquez, William So Go at Kam Sin Wong alyas Kim Wong.

Ipinag-utos din ng korte ang pag-freeze ng bank account ng kumpanyang pagmamay-ari ni Go na Centurytex Trading.

Lima sa mga isinasalang sa pagsisiyasat ay may mga personal umanong account sa Rizal Commercial Banking Corporation o RCBC na isa sa mga bangkong nadadawit sa money laundering scam.

Ang malaking halaga ng pera na sinasabing idinaan sa naturang account ng mga personalidad na iniimbestigahan ay mula umano sa US account ng Bank of Bangladesh na nakulimbat ng mga computer hacker.

Noong March 1, ipinag-utos ng Court of Appeals, na i-freeze sa loob ng anim na buwan ang ang mga bank accounts ng anim sa RCBC, East West Bank, Banco De Oro at Philippine National Bank.

Batay sa desisyon ng korte, pinahihinto pansamantala ang mga transaksyon ng anim na indibidwal dahil may mga hindi otorisadong ‘issuance of payment instructions’ sa ilalim ng Society for Worldwide Interbank Financial Telecommunication o SWIFT na nagresulta sa paglilipat ng malaking halaga ng pera sa iba’t-ibang financial institutions.

Una rito, nagbukas ng mga US dollar account sina Cruz, Lagrosas, Vergara at Vasquez sa RCBC noong May 15, 2015 na may paunang laman na $500 lamang.

Ang mga naturang account ay hindi gumalaw ng halos isang taon ngunit noong February 5, 2016, ay biglang naglabas umano ng ‘payment order’ ang Bank of Bangladesh sa Federal Reserve of New York na ilipat sa RCBC account ng apat ang $81,000,000 na pondo.

Gayunman, batay sa gobernador ng Bank of Bangladesh, peke ang naturang ‘payment order’ na nag-uutos na ilipat ang naturang pondo sa RCBC account ng anim na indibidwal.

Sa utos umano ng isa sa mga iniimbestigahan na si Go, nailabas ang naturang halaga sa ilang mga casino operator upang ma-‘launder’ o malinis kabilang na ang isang casino na diumano’y pinangangasiwaan ni Kimwong sa Cagayan Special Economic Zone.

Ang mga casino ay hindi saklaw ng money-laundering law ng Pilipinas.

Sa panig naman ng RCBC, sinabi nitong iniimbestigahan na ng kanilang pamunuan ang branch manager na sinasabing nagpabaya kaya’t nakalusot ang naturang transaksyon.

Read more...