May posibilidad na walang magaganap na Traslacion sa Kapistahan ng Itim na Nazareno sa susunod na taon.
Ipinalutang na ang posibilidad na ito ni Fr. Douglas Badong, ang parochial vicar ng Quiapo Church dahil aniya sa nagpapatuloy na pandemiya.
Idinaraos ang prusisyon ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9 at dinadaluhan ito ng milyun-milyong deboto.
Ngunit paglilinaw ni Badong, hindi naman mangangahulugan na wala ng magaganap na Traslacion dahil aniya, itutuloy ito kapag gumanda na ang sitwasyon.
Sinabi pa nito, sakaling hindi magkaroon ng prusisyon, dadagdagan na lang nila ang pagselebra ng Banal Na Misa para maraming deboto ang makapagsimba sa araw ng kapistahan.
Humingi na rin siya ng pang-unawa sa mga deboto at ito aniya ay para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Kadalasan, tuwing Nobyembre inaanusiyo ang mga aktibidad kaugnay sa pagsasagawa ng Traslacion.