Velasco kay Cayetano: Nangako kang irerespeto ang term-sharing, ito ay “usapang lalaki”

Pinasalamatan ni Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco si House Speaker Alan Peter Cayetano sa ginawa nitong pagkumpirma sa kanyang privilege speech ang napag-usapan nila sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang facebook post, sinabi ni Velasco, nangako si Cayetano na magbibitiw sa October 14 at igagalang ang “usapang lalaki” nila sa term-sharing agreement matapos ipag-utos ng Pangulong Duterte.

Sabi ni Velasco, October 14 ang napagkasunduan na pagpapalit ng house speaker upang hindi maantala ang proseso ng panukalang 2021 budget sapagkat nais maipasa ng Kamara ang pambansang pondo hanggang sa nasabing petsa.

Nagpahayag naman ng kalungkutan ang mambabatas dahil sa nasuspinde ang pagtalakay sa panukalang pambansang pondo sa plenaryo ng Kamara dahil sa halip na magfocus sa pagtatrabaho ay ‘political maneuverings’ ang nangyari dahilan upang ma-hostage ang pondo.

Nasayang anya ang araw kahapon at ngayon matapos ideklara ni Cayetano ang hindi pagdaraos ng sesyon na crucial upang masunod ang kanilang timeline.

Paliwanag ni Velasco, ang mga pag-atake at distractions ay walang ibang dahilan kundi ang personal na agenda at pananakot na ma-aantala ang pagpasa sa 2021 budget.

Kaugnay nito, nanawagan sa kanyang mga kapwa kongresista si Velasco na patuloy na magtrabaho nat ipasa ang panukalang pondo hanggang October 14 bilang ito ay kanilang commitment sa harap ng pangulo at mandato sa publiko na magkaroon ng patas at katanggap-tanggap na budget.

Nangako naman ito na magiging isang mapagbigay na lider, makikinig at tutugon sa mga hinaing.

Sa huli, hiniling nito sa mga mambabatas na itaas ang dignidad ng House of Representatives na naniniwala sa “palabra de honor” at igalang ang term-sharing agreement nila ni Speaker Cayetano na kanyang nirerespeto.

 

 

 

Read more...