Ayon sa Globe, 86% na ng Metro Manila network ang nai-upgrade na sa 4G, kabilang dito ang bayan ng Pateros, at ang mga lungsod ng Marikina, Valenzuela, Malabon at Navotas.
Hindi rin naman nalalayo ang iba pang bahagi ng National Capital Region (NCR) na nakapagtala na ng 73% ng kanilang target 4G upgrade.
Sabi ni Joel Agustin, Senior Vice President for Program Delivery, Network Technical Group ng Globe Telecom na makatutulong ang upgrades na ito hindi lang sa mga ordinaryong Pilipino kung hindi pati na rin sa mga SMEs na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Bukod sa Metro Manila ay kasado na rin ang network upgrades ng Globe sa iilang mga karatig-probinsya, kabilang rito ang Rizal na nasa 92% completion na liban sa mga bayan ng Binangonan, Cainta at Pilila na sinisimulan na rin.
Sa Bulacan naman ay hindi bababa sa 78% na ang natapos na 4G upgrades ng nasabing telco habang 65% naman ang kasalukuyang natapos na upgrades sa Cavite.
Pinaplano din ng nasabing telco na palakasin pa ang kanilang network sa mga lungsod gaya ng Pampanga, Batangas, Laguna, Cebu (Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City), Davao City, Iloilo City, Bacolod City at Boracay.
Pinapayuhan din ng Globe ang lahat ng kanilang customers na i-check ang kanilang mga SIM cards para matiyak na ito’y 4G capable.
Maaari itong ma-check sa pamamagitan ng pagtext ng SIM CHECK at i-send ito sa 8080.
Para naman sa mga Globe customers na patuloy pa ring gumagamit ng 2G o 3G na sim cards, maaari kayong magtungo sa inyong pinakamalapit na Globe Store para sa libreng pag-upgrade sa 4G ng inyong sim cards.