Sa kanyang interpellation, pinuna ni Minority Leader Benny Abante ang malisyosong pahayag ni Usec. Lorraine Badoy sa social media kung saan tinawag nitong terorista ang Makabayan bloc solons.
Ginagamit aniya ni Badoy ang resources ng PCOO para magpakalat ng misinformation at bastusin ang ilang mga kongresista.
Dahil dito, hiniling ni Abante sa PCOO na patalsikin si Badoy kasunod nang red-tagging nito sa mga kongresistang miyembro ng Makabayan bloc.
Isang manifesto ang kanilang nilagdaan para hilingin ang pagkakatanggal kay Badoy, at para hilingin sa opisyal na gumawa ito ng public apology sa mga pinararatangan na mga kongresista.
Bukod dito, kanila ring pinatatanggal ang anila’y walang basehan na mga pahayag ni Badoy sapagkat inilalagay lamang nito sa peligro ang seguridad at buhay ng Makabayan solons.
Iginiit ni Abante na kung totoong may basehan at may mga ebidensya si Badoy laban sa Makabayan bloc solons na nagsasabing sila ay terorista, hindi aniya dapat idaan ito sa pmamagitan ng public trial kundi dapat ay magsampa ng reklamo o kaso sa korte laban sa mga kongresistang ito.
Samantala, nilinaw naman ni Bataan Rep. Joet Garcia na labas na ang PCOO sa social media posts ni Badoy.
Ang mga pahayag ni Badoy ay kanyang sariling opinyon bilang spokesperson naman ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).