Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ng Pangulo na kailangan niyang makausap ang pamunuan ng Facebook nang tanggalin ang pekeng account na may kaugnayan sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, malaking kawalan sa Facebook at Pilipinas kung mawawala ang operasyon ng social media site.
“Hindi naman po siguro kasi ang sinabi ng Presidente, kinakailangan mag-usap. Parehong hindi mabuti yan sa Facebook at Pilipinas. Number one po kasi sa buong mundo tayo sa Facebook. Kung mawawala tayo, malaking kawalan po yan sa Facebook. Pero at the same time dahil number one nga tayo, maraming Pilipino ang gumagamit ng Facebook na maaapetkuhan. Ang sabi naman ni Presidente, pag-usapan yan,” pahayag ni Roque.
Malinaw naman aniya ang apela ng Pangulo sa Facebook na huwag supilin ang malayang pamamahayag ng mga pabor sa gobyerno.
“Ang kongkretong aksyon po wag supilin ang kalayaan ng malayang pananalita ng mga personalidad o mga pages na pabor sa gobyerno. Kasi ang nangyayari po, kapag laban sa gobyerno, hindi po tinatanggal ng Facebook. Kapag suporta po gobyerno, tinatanggal po. Matagal na pong naninindigan ang President sa malayang pananalita. Bakit naman dito sa physical personification ng free market place of ideas e cinecensor kapag kampi po sa gobyerno ang mga postings?,” pahayag ni Roque.
Sinabi pa ni Roque na censorship na ang ginagawa ng Facebook.