Porsche at TAG Heuer, dumistansya na rin kay Sharapova

 

Mula sa inquirer.net

Bukod sa kumpanyang Nike, sinuspinde na rin ng German luxury car manufacturer na Porsche ang kanilang mga aktibidad kasama ang tennis star na si Maria Sharapova.

Ito’y makaraang umamin si Sharapova na bumagsak siya sa drug test sa Australian Open dahil sa pag-positibo sa banned na gamot na Meldonium.

Ayon kay Sharapova, matagal na niya itong iniinom dahil sa kaniyang iniindang karamdaman.

Sa isang pahayag, sinabi ng Porsche na ikinalungkot nila ang ulat tungkol kay Sharapova na pumirma ng tatlong taong kontrata sa kanila noong April 2013.

Sinuspinde muna nila ang kanilang ugnayan kay Sharapova hangga’t hindi pa nila nakukuha ang lahat ng detalye at hanggang sa ma-analisa na nila iang sitwasyon.

Ikatlo na ang Porsche na dumistansya sa kanilang endorser na si Sharapova dahil kasunod ng Nike, nag-anunsyo naman ang Swiss watch company na TAG Heuer na hindi na nila ire-renew ang kanilang kontrata sa manlalaro.

Nag-tapos ang kontrata ni Sharapova sa TAG Heuer noong December 31, 2015 at nag-karoon na sila ng pag-uusap tungkol sa pag-extend nito ngunit nang lumabas ang isyu, nag-desisyon sila na huwag na itong ituloy.

Si Sharapova ay nanalo ng limang Grand Slam titles sa kasayasayan ng kaniyang karera sa larangan ng tennis.

Read more...