Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, nais nilang maging ligtas ang halalan sa 2022 kaya humihirit sila na ibalik o dagdagan ang kanilang pondo upang matugunan ang mga pangangailangan para sa pagbili ng mga dagdag na makina.
Paliwanag ni Jimenez, isinasaalang-alang ng Comelec na sa 2022 ay posibleng wala pang bakuna laban sa COVID-19 kaya nais nilang kaunti lamang ang bilang ng mga botante na gagamit sa bawat makina upang maiwasan ang pagsisiksikan at hawaan ng sakit.
Inaasahan na sa 2022 ay aabot sa 65.304 million ang registered voters.
Aabot sa P14.56 billion ang inaprubahang budget ng DBM para sa Comelec sa susunod na taon mula sa kanilang proposal na P30.673 billion.
Nanawagan din ang Comelec sa Kamara na tulungan silang palawakin ang alternatibong paraan ng pagboto tulad ng “voting by mail”.