Sa manifestation ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, sinabi nitong ikinalulugod niya ang ginawa ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na pagbasag sa kanyang pananahimik patungkol sa mga isyu na gumimbal sa term-sharing ng pagka-Speaker.
Magkagayunman, sinabi ng kongresista na ang “gentleman’s agreement” sa pagitan nila Speaker Alan Peter Cayetano at Velasco na sinabayan ng COVID-19 pandemic ay lalo lamang nagpahiwatig para makita ang bigat at kahalagahan ng liderato.
Iginiit din ng mambabatas na ang leadership ay hindi pakikipagkompitensya o paghihintay sa pagkakataon.
Kasabay nito ang paghimok ni Marcoleta sa mga kongresista na suportahan ang Speaker partikular sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga batas na makakatulong sa pag-survive ng mga Pilipino sa gitna ng pandemic.
Samantala, maging ang kongresista mula sa Liberal Party na si Caloocan Rep. Edgar Erice ay nanawagan na kay Velasco na isakripisyo na muna nito ang pangarap para na rin sa ikabubuti ng buong Kongreso.
Sinabi naman ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na nakita at naramdaman ng mga myembro ng Kamara ang pakikisama ni Cayetano kaya naman sa susunod na 21 buwan ay suportado pa rin nito ang kasalukuyang liderato.
Pinayuhan naman ng mga kongresista si Velasco na maghintay sa pagdating ng kanyang panahon lalo’t ito’y bata pa at masigla.