Sa isang statement at Facebook post, sinabi ni Velasco na sa simula pa lang nang mabuo ang gentleman’s agreement nila ni Cayetano sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbubukas ng 18th Congress ay pinili na lamang niyang manahimik bilang respeto na rin sa nakaupong lider ng Kamara.
Sabi ni Velasco na ang pananahimik niya ay hindi nangangahulugan na hindi na siya interesado o kanya nang tinalikuran ang term-sharing agreement nila ni Cayetano.
Bilang paggalang na rin sa kanilang kasunduan, hindi rin niya hinangad na makipagkumpetensya pa kay Cayetano sapagkat naniniwala siyang may tamang panahon din na nakalaan para sa kanya.
Hindi naman aniya wasto para gawing sukatan sa kanyang ladership style ang pagiging tahimik sa pagtatrabaho at pagsuporta sa administrasyon, pati na rin sa pagsasakatuparan sa legislative agenda ni pangulong Duterte.
Tiyak na mkikita naman aniya ng kanyang mga kasamahan sa Kamara ang kanyang pamamaraan sa oras na matuloy ang kanilang term-sharing agreement ni Cayetano, na nakatakda na sa darating na Oktubre.