Pumalag ang Office of the Ombudsman sa ginawang pagtapyas ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanilang 2021 budget.
Mas mababa ang 2021 proposed budget ng Ombudsman na P3.268B kumpara sa kasalukuyang pondo na P4.1B.
Sa ipinadalang budget ng Ombudsman sa DBM humihingi sila ng P4.6B pero mas mababa ang inaprubahan at malaking nabawas ay ang sa Personnel Services.
Sabi ni Ombudsman Samuel Martires, hindi sila confident sa kanilang pondo sa susunod na taon at hindi nila nagustuhan ang ginawang pagtapyas ng DBM sa kanilang original proposed budget dahil hindi naman ito naipaliwanag sa kanila.
Paliwanag ni Martires, taliwas ito sa itinatakda ng RA 6770 sa fiscal autonomy kung saan hindi dapat mas mababa ang ibibigay na pondo sa isang ahensya mula sa nakaraang fiscal year appropriations nito.
Maaapektuhan anya ng pagbabawas ng pondo ang planong dagdagan ang kanilang field lawyers at investigators gayundin ang pagbuo ng isang tanggapan na hiwalay na hahawak sa mga administrative cases.
Giit nito, itinuturing nilang critical unit ang planong dagdagan ang mga field lawyers, investigators at office para sa administrative cases upang mapabilis ang pag-usad ng mga kaso.
Dahil dito, hiniling ni Martires sa Kamara na i-restore kahit ang P300 Million na tinapyas sa kanilang Personnel Services (PS).