Sesyon ng Kamara, maagang tinapos; Bantang kudeta, hindi natuloy

Hindi natuloy ang sinasabing kudeta laban sa liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

Sa sesyon ng mga kongresista, 299 ang present physically sa plenaryo ng Kamara at sa pamamagitan ng video conference.

Tumagal lamang ang sesyon na si Deputy Speaker Raneo Abu ang tumayong presiding officer hanggang 3:18 ng hapon.

Sinasabing sa araw ng Lunes ay ipapadeklarang bakante ng mga mga kongresista mula sa Minadanao ang posisyon ng house speaker at mga deputy speaker kasunod ng girian sa 2021 budget.

Sa isang statement, araw ng Linggo, inamin ni Deputy Speaker at presidential son Paolo Duterte na may ipinadala siyang mensahe sa mga kongresista mula sa Mindanao upang ipadeklara na bakante ang mga nasabing posisyon.

Gayunman, nilinaw ng batang Duterte na ang kanyang ipinadalang mensahe ay pagpapahayag lamang ng kanyang pagkadismaya sa nangyayaring banggaan dahil sa isyu sa infrastructure projects kung saan ilang mambabatas na rin ang kumausap sa kanya tungkol dito.

Ito rin aniya ang mensahe na ipinadala niya sa isang Visayan Congressman matapos na kaladkarin ang kanyang pangalan sa naturang isyu.

Nilinaw ni Duterte na hindi rin siya makikisawsaw pa sa isyu ng mga kasamahan bilang delicadeza na rin dahil siya ay anak ng Presidente.

Read more...