Crime rate sa bansa bumagsak ng halos 50% dahil sa COVID 19 measures – PNP

Bumaba ng 47 porsiyento ang bilang ng mga krimen sa bansa simula nang magpatupad ng community quarantine.

Ayon kay Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng JTF Covid Shield, simula noong Marso 17 hanggang nitong Setyembre 16, nakapagtala ang PNP ng 16,878 krimen kumpara sa naitalang 31,661 sa katulad na panahon noong nakaraang taon.

Paliwanag niya, pagpapakita ito na 92 kaso ang kanilang naitatala sa nakalipas na 184 araw kumpara sa 172 kaso anim na buwan bago ang pagpapairal ng community quarantine.

“We have been conducting an analysis of the crime situation in the past six months in order to identify the best practices and security adjustments that we could replicate in other areas and eventually institutionalized in order to sustain this momentum,” sabi pa ni Eleazar, na siya rin deputy chief for administration ng pambansang pulisya.

Pinakamataas ang naging pagbaba sa carnapping na 66 porsiyento at pinakamababa naman sa murder na 22 porsiyento lang ang nabawas.

Sa Luzon, bumaba sa 49 ang bilang ng krimen kada araw mula sa 91, nangalahati naman ang 44 krimen sa Visayas at mula sa 37 ay 21 na lang sa Mindanao.

 

 

Read more...