Ilang beses nang nanawagan si LP vice chair at Senate President Franklin Drilon sa Supreme Court na resolbahin na agad ang petisyon ni Poe na baliktarin ang desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na diskwalipikahin siya sa presidential race.
Ani Drilon, kwalipikado man si Poe o hindi, dapat nang ilabas ng Korte Suprema ang kanilang desisyon para mapawi na ang mga pagdu-duda at para rin mapanatili ang integridad ng halalan.
Ayon naman kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na isa ring vice chair ng LP, hindi naman mahalaga sa kaniya kung maging pabor o hindi kay Poe ang desisyon.
Ang importante aniya ay hindi na patagalin pa ang kaso at huwag mabitin ang mga tao sa desisyon ng Korte Suprema.
Inapela ito ng mga stalwarts ng LP isang araw bago ang en banc session ng SC sa gitna ng lumalawak na spekulasyon na sa wakas, ay maglalabas na sila ng resolusyon tungkol sa kasong ito.
Ayon sa isang source mula sa korte, magsu-sumite na ang mga mahistrado ng kanilang final position papers at ipagpapatuloy na ang deliberasyon, at magbo-botohan na rin sila sa isang special en banc na nakatakda bukas.
Sakali aniyang hindi matapos ang deliberasyon ngayong araw, ipagpapatuloy ito bukas, at isa pang special en banc session ang itatakda sa Huwebes o kaya ay sa susunod na Miyerkules.