Sec. Roque, binuweltahan ng kampo ni VP Robredo

PHOTO GRAB: VP Leni Robredo/FACEBOOK

Kinontra ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Presidential spokesman Harry Roque na walang sasabihin na maganda ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa sa administrasyong Duterte.

“Sa panahon na ito, hindi na dapat ang pag-iisip natin oposisyon o administrasyon. Ang pag-iisip dapat natin dito lahat tayo Pilipino, lahat tayo gustong makaahon ang buong bansa natin laban sa pandemyang ito,” sabi ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

Bago ang pahayag ni Roque, pinuna ni Robredo ang kakulangan ng sistema at komprehensibong plano ng gobyerno sa pakikipaglaban sa COVID-19.

Una na ring nagbigay ng kanyang mga suhestiyon si Robredo sa pagharap sa nakakamatay na sakit.

Buwelta ng Malakanyang, namumulitika lang ang oposisyon at sinabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat paniwalaan ang kanyang mga kalaban.

Ngunit ayon kay Gutierrez, hindi dapat gamitin nang gamitin ang pamumulitika na dahilan para pagtakpan ang mga kapalpakan.

“So I hope they will be more open to suggestions of experts because I think when we listen and follow them, it will improve our overall effort and at the end, our entire country will benefit,” aniya.

Read more...